Gamitin ang trackpad para malayang makaikot.
Ako ang 21AM, museong nabubuhay sa tatlong espasyo: sa cyberspace; sa lahat ng espasyo (na walang sentro); at sa loob ng Accession Record System (ARS) ng koleksyon ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas. Nabubuhay ako nang digital, kaya hindi ako nakalatag o nakasilid sa isang lugar, gusali, o lungsod—bukod sa 21AM bilang isang pasilidad ng Sentro. Itinatag upang sundin ang madlang Pilipino, na nangungunang tagatangkilik ng mga online media sa mundo. Ang museo ay may pulso sa mga likhang sining na naglalayag kasabay ang mga kalinangan sa teknolohiyang digital, kritikal sa nag-iibayong karakter, habang nagtatalima sa kaisipang gumugunita sa mga likha ng mga nakaraang henerasyon, sa pangangasiwa ng ARS.
Ako ang 21AM website at ang website ay ako.
Ang 21AM ACCESSION RECORD SYSTEM (21AM ARS) sa kalakhang sukat ay batay sa gawaing pag-ugnayin ang mga koleksyong likhang sining at mga artikulong pansining ng CCP mula sa iba't ibang pisikal na lugar at mga magkakahiwalay na dokumentasyon, tungo sa iisang rekord. Sinasakatawan at hinahandog ng 21AM ARS ang mahalagang danas ng singularidad: ang istraktura/balangkas na bigkis ng mga koleksyon sa mga palihang lumilikha sa Kontemporaryong Sining.
Sa pagsisimula ng 21AM, binubuo ang totalidad ng koleksyon ng mga moderno at kontemporaryong sining na kinolekta bago pa mag-1969; mga instrumentong etnomusikolohikal mula sa iba't ibang panig ng Asya at ng Pillipinas; mga likhang sining, mga artikulong panlarawan ng mga tradisyon ng pagtatanghal, at ibang artikulong etnograpiko mula sa Museo ng Kalinangang Pilipino (MKP) ng CCP; mga artikulong nakaugnay sa sining, ang ilan dito ay di tukoy ang halagang pansining o pangkultura, na nakalagak sa iba't ibang lugar sa CCP.
Ang mga Artikulo sa koleksyon ay mangyaring ang Likhang Sining o ang mga Artikulong nakaugnay sa Sining lamang. Ang saklaw ng mga artikulo ay mula sa mga napagmay-ariang bagay na may malaking halagang pinansyal hanggang sa mga bagay na maliit ang halagang pinansyal ngunit natatangi ang kabuluhang kultural. Malawig din ang pagkakaiba ng sukat ng mga bagay, mula sa mga malaking eskultura/lilok na naka-install nang permanente sa mga loob at paligid ng CCP Complex, isang 70+ ektaryang distritong pangkultura, hanggang sa mga maliit na pirasong may angking pino o selan, na nakaimbak sa mga storage spaces ng pangunahing gusali ng CCP, ang Center for the Performing Arts.
Ang samu't saring koleksyon samakatuwid ay napagsasanib sa iisang database.
Hinggíl sa bawat eksibit na nagáganáp ay mayroóng pambungad na kasúlatán ang kyuraytor at may pahayag namán ang mga lumikhâ ng obra. Binúbuksán ng mga taláng itó ang bawat eksibit, samakátuwíd; na pawang sa anyong didyitál inisip at ginawâ.
Sapagkát base sa anyaya ng 21AM ang pagkakátaóng mag-eksibit ng obráng tumátalakay ng mga aspeto o buóng santinakpán ng didyitál na buhay bilang realidád, akó’y mag-iintro din bilang museong may balangkás ng pagpilì. Maaring hosted ng 21AM site ang eksibit o hosted ng ibáng site na nakákawing sa 21AM.
Magdáragdág rin akó ng mga sinulát na rebyú at ibá pang tugón ng madlâ sa mga eksibit habang itó’y nagáganáp.
Narito ang dagdag na impormasyon at kaalaman tungkol sa Koleksyon ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas; ang mga kasalukuyang eksibit; mga balik-tanaw sa mga naunang eksibit; karagdagang impormasyon sa malawig na mga ganap sa KwarTalk; at tungkol sa mga tagged link sa pagitan ng mga kasalukuyang likhang sining at artikulo sa Koleksyong CCP.
Ipinapaskil ko rito ang mga pormal na programa at ibang anyo ng palihang sumusuporta sa mga kasalukuyang eksibisyon. Dagdag ko rin ang ilang piling paunawa sa kaugnay na mga ganap sa ibang institusyon at mula sa ibang mga grupo.
Bukás maghapó’t magdamág, uunlád ang 21AM sa tulóy-tulóy o manakánakáng pulong, palitan ng kuro-kuro o kwento, debate, pagpapálalim, balitaán, pagpápayò, pagpóposisyón, atbp. Sa Tambayang itó, sa ibá’t-ibáng oras, maaring maraming tao, o waláng tao pero may katháng-sining na makákapanayám, o may nakáskedyul na pulong. Ang Tambayan ko’y espasyóng demokratikó, bukás sa taong magalang sa opinyón ng kasundô o hindî. Impormal kalímitan ang talákayán dito, lalu na’t hindî batíd kung sinó- sino ang kalahók. Ngunit magtátalâ din akó ng skedyul ng komperensya, seminar, workshop, o huntahang pormál. Abangán.
Matindí ang interés ako bilang isáng institusyóng didyitál sa usapíng ukol sa karápatáng pantao sa santinakpáng didyitál. At lalung mahigpít ang aking paníniwalang kailangang itaguyod at ipagtanggól ng mga karápatáng itó sa panahóng ináani ang datos ng mga tao nang walá tayong pahíntulot, at kawaláng proteksyón natin sa panlilinláng at pagdurog ng tiwalà sa maskí anóng kaálamán.
Dahil ditó’y maglálagak ako sa puwáng na itó ng mga talâ hinggíl sa masálimuot na bagay na itó, mga abiso ng diskusyón, at mga piling-piling balitâ. Makílahók akó sa mga diskusyón sa panig ng mga hindî protektado at hindî handâ sa pagbabago ng anyô ng buhay ng tao.
Ang Arkibo ang tahanan ng mga labi ng mga eksibit. Ang mga pagpanaw, kung anuman, o pagtatapos ng mga eksibit ay kinagaulian nang inaasahan, at gayonman ay nag-iiwan ng mga bakas—bukod sa mga pagkakataon sa hinaharap ng mga gawaing maaaring walang katapusan.
Nakalakip sa mga bakas na ito upang magunita ang mga eksibit: mga dokumento sa pagpaplano, mga teksto kasama ang mga rebyu at ibang anyo ng ugnayang pampubliko, mga rekord (audio, video, photo), at mga talakayan sa KwarTalk. Inilalagak ko rin dito ang mga tala ng aking buhay-institusyonal.
Maghintay sa pag-load...